Ang kinikita ngayon ng mga magsasakang ito sa Hacienda Luisita, P75 sa bawat 1,000 tubo na kanilang maani.
Marami sa kanila ang hindi na diumano narasanan ang maging bata dahil napilitan nang sumunod sa yapak ng mga magulang na maging manggagawa ng azucarera.
Sabi nila hindi nila alam kung matutuwa sila sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Ang planong sistema, bibilhin ng gobyerno sa Hacienda Luisita ang 5,000 ektaryang ipinamamahagi ng Korte Suprema. Bibilin naman ng mga magsasaka ang lupa sa gobyerno at babayaran sa loob ng 30 taon alinsunod sa Comprehensive Agrarian Reform Law.
“Sa atin pong Pangulo, kung ipamimigay po ang lupa dapat po libre na para ‘yung mga tao wala naman pong pambayad,” ani Rodrigo Galang, magsasaka sa Hacienda Luisita.
Pakiramdam tuloy ni Aling Arsenia, mas napasama ang nangyari sa kanila kaysa sa stock distribution option na inaalok sa kanila noon ng hacienda.
“Gusto namin ang share para may 13th month, may bonus, may trabaho ka pa. May service bonus pa iyon,” sabi ni Aling Arsenia.
Ayon sa tagapagsalita ng Luisita, nag-iisip na sila kung magsasampa ng motion for reconsideration pero hindi raw para baligtarin ang naging desisyon ng Korte Suprema kundi marahil ay para raw linawin lamang kung ilan ba talaga ang makikinabang at ang kasiguruhan na mabibigyan ng tamang kompensasyon ang mga may-ari ng hacienda na mawawalan ng lupa.
Wala naman daw kasi sa batas ng land reform na ipinamamahagi nang libre ang anumang lupa.
“Sa lahat ng agrarian reform o land reform sa ngayon, kinakailangan magbabayad ang magsasaka dahil ang umiiral nating sistema, hindi namain confiscatory,” Atty. Antonio Ligon, tagapagsalita ng Luisita.
Pero naniniwala ang ilang militanteng kongresista na nasa kamay ni Pangulong Aquino kung pagbabayarin pa niya ang mga magsasaka lalo’t matagal na panahon naman na nilang napakinabangan ang lupa.
Comments
Post a Comment