Iwa Moto, may ibubunyag sa Startalk?

Naghahanda na ang sexy Kapuso star na si Iwa Moto sa kanyang first television appearance sa Sabado sa showbiz talk show na Startalk matapos mawala sa sirkulasyon ng ilang buwan.

Sa kanyang naunang mga tweets, sinabi ni Iwa na noong Nov 4 pa siya bumalik sa Pilipinas mula sa Japan pero
hindi muna siya nagpapakita para makaiwas sa stress.

Dahil patuloy na hindi nagpapakita, nagkaroon ng mga espekulasyon sa tunay niyang kalagayan at may mga naghihinala na baka buntis ang aktres.

Kaya naman nag-tweet si Iwa upang mariing itanggi na buntis siya.

“Im NOT pregnant!! Tantanan nyo aq!!!," pahayag ng Starstruck alumna.

Noong Mayo, dinala sa ospital ang Iwa dahil sa tinamo niyang mga sugat matapos magwala bunga ng labis na galit sa ex-boyfriend na si Mickey Ablan. 

Ang naturang insidente ay nangyari sa parking area malapit mismo sa GMA 7.

Sa galit ni Iwa sa dating nobyo, binasag niya ang windshield ng isang sasakyan na sinasabing pag-aari ni Mickey. (Basahin: Iwa Moto, nasugatan matapos magwala dahil sa galit sa ex-boyfriend.)

Matapos mag-break, naugnay si Mickey sa kapwa Kapuso star na si Janna Dominguez.

Sinasabing sa Startalk sa Sabado ay babasagin ni Iwa ang kanyang pananahimik at isisiwalat ang mga lihim sa naging paghihiwalay nila ni Mickey.

Sa kanyang tweets nitong Biyernes, sinabi ni Iwa na: “Home sweet home... Bukas kailangan qng maghanap ng magandang damit for my 1st tv appearance.. Its been a while since nagpakita aq sa tv..lol"

Tugon naman niya sa isa pang tweet: “@itsMrAM heheh. Secret. Basta wait lang kau." --GMA News

Comments