Aktor at konsehal na si Alfred Vargas, muntik manakawan ng vault

Kamuntik manakawan ng mga importanteng gamit ang aktor at Konsehal ng Quezon City na si Alfred Vargas matapos tangayin umano ng kanyang kasambahay ang kanyang safety vault o kahadiyero.

Sa ulat ni GMA News reporter Rhian Santos sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing napigilan ang pagtangay ng
suspek na si Clarita Florida sa vault nang makita ito ng personal assistant ni Alfred na si Helen Lagaras, na pamangkin ng suspek.

Kwento ni Lagaras, nakita niya ang paglabas ng isang taxi na sinasakyan ng suspek. Kasunod nito ay umangkas siya sa isang motorsiklo patungo sa gate upang abisuhan ang mga guwardiya na huwag padadaanan ang taxi.

Kaagad ding tinawagan ni Lagaras ang among si Alfred para ipaalam ang nangyari.

Napasugod ang actor turned politician sa station 6 ng Quezon City Police District kung saan dinala si Florida at ang vault.


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Sa ginawang interogasyon sa himpilan ng pulisya, sinabi ni P/Insp. Roberto Razon, na lumitaw na may mga pambihirang kuwento ang suspek. Pagkaraan ay umamin na raw ito na mahigpit ang kanyang pangangailan sa pera kaya nagawang tangayin ang vault.

Sa ulat, humingi ng paumanhin si Lagaras sa kanyang among si Alfred.

Sa kabila ng pangyayari, nagpapasalamat si Alfred na walang nasaktan at napigilan ang ginawang pagnanakaw sa kanyang ari-arian.

Gayunman, nalulungkot ang aktor dahil kung minsan ay hindi mo aakalain na ang taong pinagkakatiwalian ang gagawan sa'yo ng masama. - GMA News

Comments